Wednesday, November 11, 2009

Ang Munting Prinsipe

BUOD:
Ang aklat na ito ay tungkol sa isang batang prinsipe na naninirahan sa isang napakaliit na planeta kasama ang tatlong bulkan, mga umuusbong na baobab, at isang bulaklak. Siya ay naglakbay sa iba’t ibang asteroid, kung saan nakilala niya ang hari na wala namang pinaghaharian, ang hambog na wala naman talagang tumitingala, isang lasengero, isang negosyante, isang taga-sindi ng ilaw, at isang heograpo, hanggang mapadpad siya sa Lupa, ang planetang pinaninirahan ng hindi mabilang na hari, hambog, lasenggo, negosyante at heograpo. Ito ang planeta kung saan abalang abala ang mga matatanda sa mga bagay na para sa munting prinsipe ay wala namang importansya. Ito rin ang planeta kung saan siya tumira nang matagal-tagal, at nakakilala ng ahas na magbabalik sa kanya sa planetang kanyang pinanggalingan, daan-daang mga rosas na hindi pumapantay sa ganda ng rosas na nagpaamo sa kanya, at alamid na kanyang pinaamo. Dito niya rin nakilala ang may-akda.

PAGNINILAY:
The Little Prince. Iyan ang unang aklat na aming naging book report sa paaralan. Hindi ko na maalala kung nasa anong baitang ako noon, basta ang alam ko, hindi pa ako tulad ng munting prinsipe nang mga panahong iyon. Sabik sa laro, hindi ko binuklat man lamang ang librong ito. Hinayaan ko na lamang na maikwento ito sa akin ng aking ina. Naikwento man niya, hindi nakuha nito ang aking interes katulad ng mga kwento sa Funny Komiks.

Lumipas ang panahon at dahil sa ilang munting prinsipeng nagdaan sa aking buhay, nahiligan ko ang magtanong at alamin ang kasagutan sa ilan sa mga ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga libro. Nagdaan ang ilang aklat sa aking mga kamay at ni hindi ko man lamang binalikan ang The Little Prince upang muling mapagnilayan ang siyang nilalaman nito. Ngunit sa munting pakikipag-usap sa isa sa mga Assistant Manager sa aking pinagtatrabahuhan ay nabanggit niya ang librong ito, kaya naman naalala ko ang tungkol dito at siyang hinanap sa pinakamalapit na book store. Laking tuwa ko nang makita ang librong hinahanap sa sariling wika.

Hindi ako nagsisi na muling pag-aksayahan ng panahon ang manipis na aklat na may siyamnaput apat na pahina lamang ngunit maraming leksyon.

Ang aklat ay isang kwento tungkol sa mga bagay na tunay ngang mahalaga, mga kahalagahang malinaw naman sa atin nang mga bata pa tayo ngunit tila ay ating nalilimutan sa ating pagtanda. Isang kwento ito tungkol sa mga iba’t ibang uri ng matatanda at ang mga walang importansyang bagay na kanilang pinahahalagahan tulad ng pansariling kayabangan, kapangyarihan at materyal na kayamanan. Totoo ngang napakalaki sa oras nating matatanda ang naaaksaya sa ganitong mga bagay. At tila yata’y wala na talaga tayong mailaang panahon sa pagtuklas at muling pagtanaw sa tunay na mahahalagang bagay tulad na lamang ng disiplina at tunay na pagmamahal sa iyong ginagawa. Muli rin tayong pinaalalahanan nito tungkol sa pagmamahal at pakikipagkaibigan.

Pinakapaborito ko nga sa aklat na ito ang pag-uusap ng alamid at ng munting prinsipe. Ilan sa mga naibigan kong kataga ay ang mga sumusunod:

“Ang mga pinaamo mo lamang ang kilala mo,…Wala nang panahon ang mga tao para makipagkilala. Bumibili sila ng mga bagay na yari nang lahat sa mga nagtitinda. Pero dahil walang nagtitinda ng mga kaibigan, wala nang kaibigan ang mga tao.”

“Balikan mo at tingnang muli ang mga rosas. Maiintindihan mo ngayon na bukod tangi ang sa ‘yo.”

“Narito ang lihim ko. Napakasimple nito: sa pamamagitan lamang ng puso makakakitang mabuti. Hindi kita ng mata ang pinakapuso ng mga bagay.”

“May panganib na umiyak ang sinuman kung hahayaan niyang paamuin siya…”