Friday, November 19, 2010

Para Kanino ang Kwento Ko?

PARA KAY B ni Ricky Lee

BUOD:

Ang aklat ay tungkol sa limang kwento ng pag-ibig na isinakatauhan ng limang babae – si IRENE (ang babaeng umibig sa isang memorya), si SANDRA (ang babaeng umibig sa sariling laman at dugo), si ERICA(ang babaeng nagmula sa Maldiaga at hindi makaramdam ng pag-ibig), si ESTER (ang babaeng umibig sa kapwa kasarian), at si BESSIE (ang babaeng kung kani-kaninong lalake sumisiping na parang sex is all that matters, not love). Pero ang totoong bida ng kwento ay wala sa kanilang lima, kundi si Lucas na siyang pinakamakapangyarihang tauhan sa kwento. Sa teorya niya umiikot ang istorya. Ngunit mapatunayan kaya ang teorya niya? O mabago kaya ito sa takbo ng kwentong mismong siya ang may likha?

PAGNINILAY:

"Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. Ang iba, iibig sa di sila iniibig. O iibig nang di natututo. O iibig sa wala. O di iibig kailanman."

May ngiting naglaro sa aking mga labi. Halos parehong-pareho ito sa ideolohiya ko noong nasa hayskul at kolehiyo pa lamang ako. Isang teorya na napagbago na ng panahon, naliha at napakinis. Kaya ngayon natatawa na lamang ako tuwing maaalala ko kung gaano ako nagmatigas noon sa haka-haka ko at pinanindigang isa ako sa apat sa lima. Isa sa hindi magiging maligaya.

1. PAG-IBIG vs. PAGMAMAHAL

Sa limang kwento, mahigit isa ay may kahawig sa buhay ko. May sobra, may kulang, pero umiikot sa halos katulad na sitwasyon. Pero mas marami pang kwento bukod sa limang ito. Mula sa mga kaibigan, kamag-anak, at callers ni Papa Jack. Mga sawi, NBSB, NGSB, bigo, SMP. Mga successful, masaya at matagal nang nagsasama. Iba’t ibang kwento para sa bawat isa. At minsan ang isa ay may iba’t ibang kwento pa. Kaya para sabihing 1 out of 5 lang ang magiging masaya, ay parang hindi tama. Di ko masasagot kung 3 out of 10, 7 out of 20, o 1 out of 100 pero siguro kailangan muna ng statistics para sa mga numero.

May kung anong sarap na dala ang pag-ibig. Minsan (o kadalasan) ay mayroon ding pait na parang aftertaste ba. Pero hindi ang pagmamahal. Hindi ko alam kung tama na ang teorya ko pero ito ang produkto ng pagliliha noon...na ang pag-ibig at pagmamahal ay magkaiba at kung papipiliin ako, mas pipiliin ko ang pagmamahal. Ilan sa tauhan sa kwento ay umibig, ang ilan ay nagmahal. Kung alam mo ang pagkakaiba, alam mo kung sino-sino sila.

2. HINDI PAGKAKATULUYAN DINEVASTATE NG PAG-IBIG

"God may have allowed him to be your first boyfriend but it doesn’t mean he is supposed to be your last.” ~quote mula sa vypress ng isang kaibigan matapos ng aking first break-up.

May mga tao tayong mamahalin para lang mabago ang ating pagkatao. Meron namang para buksan ang isipan natin sa ilang mga posibilidad. Posibleng para magbigay sa atin ng unang halik, unang mainit na yakap, at kung anu-ano pang perstaym. Meron din tayong mamahalin na mag-iinspire sa ating magsulat o kaya magsumikap. Merong para turuan tayo kumain ng isaw, adidas, at dinuguan. Merong para samahan tayong magkomyut papuntang Quiapo, 168, at Divisoria. Merong para lang matuto tayong magdrive ng tsikot. Merong ang purpose ay baguhin hindi lang ang pagpapatakbo natin ng sasakyan kundi maging ang takbo ng buhay natin. Meron ding para magbigay sa atin ng lakas ng loob na magpatakbo nito.

Kaya hindi ako naniniwalang dahil lamang hindi nagkatuluyan ang ilan sa mga tauhan sa istorya ay dinevastate na sila ng pag-ibig. After all, sino ba naman ang makakapagsabi na happy ending na ang lahat, nang hindi dumarating sa tunay na ending ng buhay.

Para sa akin, para masabing bigo ka, sawi, hindi maligaya, o devastated, ay nasa sa iyo rin naman. Dahil it’sa fact na pag umibig ka, kasama roon ang possibility na masugatan, madapa, at masaktan. Pero nasa iyo ang kapangyarihan kung hihilata ka na lang basta o tatayo at muling lalaban, dahil walang iba kundi ikaw ang writer ng kwento ng buhay pag-ibig mo.