BUOD:
Ito ang ikatlong aklat sa trilohiya ng may akda na si Eros S. Atalia na tumatalakay sa pang-araw-araw na buhay ni Karl Valadimir Lennon J. Villalobos a.k.a. Intoy. Huling libro, ika nga eh para mabigyan lang ng katapusan ang kwento, kahit na ang katapusan ay hindi talagang nagwawakas, bagkus simula ng panibagong kwento. Isang kwentong hindi alam kung saan ang simula, gitna, at wakas, ang It's not that complicated (Bakit hindi pa sasakupin ng mga alien ang daigdig sa 2012) ay istorya ng paghahanap ni Intoy sa iniibig ngunit ayaw magpahanap na si Jen. At sa panahong naghahanap siya ay nakilala rin niya nang mas maigi ang ka-opisinang si Tina, matalino, maganda, mayaman. Nagpasama ito sa kanya sa kanyang pananaliksik, at bilang pagpapasalamat ay sinama naman siya nito sa isang bakasyon sa Boracay. Ito na sana ang pagkakataon ni Intoy para makamove-on. Pero sabi nga nila pag hinahanap mo ang isang tao/bagay/pangyayari sa buhay, lalo itong mailap at hindi mahanap, ngunit sa puntong tigilan mo ang iyong paghahanap, kusa itong lilitaw.
PAGNINILAY:
Tulad sa normal na buhay, na sineseryoso ko ang mga 'di siniseryoso ng iba at pinagninilay-nilayan ang mga hindi pinagtutuunan ng pansin ng karamihan, wala akong pakialam kung ako lang ang nag-iisang sumeryoso sa manunulat na ayaw magpaseryoso.
Paano ko ba naman kasi maiiwasan?
Sa paraan ng paglalahad ni pareng Eros, na para bang nakikipagtagayan ka lang sa kanto, ay napakadaling makarelate sa mga karakter nina Intoy, Tina, at Jen. Mula sa pagtataray at pang-aakit, pilosopong pag-iisip at kakaibang mag-isip, ligaya at sakit, obssession at heartbreak, bawat paglalarawan, kilos at damdamin ay tiyak na tiyak na kung hindi man sarili ang makikilala ay ang mga taong nakapalibot sa atin sa araw-araw.
Bukod sa paglalahad ng kwento ni Intoy na akala mo'y sa MMK mo lang mapapanood ngunit totoong nangyayari sa buhay paminsan-minsan, nailahad din ni pareng Eros ang masakit na katotohanan sa nakatatawang paraan. Oo nga't hatid nya'y ngiti sa istilo ng kanyang pagkukwento, pero nasa likod ng tamis ng halakhak ang asim at pait ng kalagayan ng sangkatauhan.
Ang mga tsismosang kapitbahay ay mahilig pa rin magkalat ng kwentong kathang isip lamang. Kaliwa't kanan pa rin ang panloloko ng mga kapwa tao - sa mga di makatarungang patakaran ng mga kumpanya, mga ka-opisinang tuta ng mga bossing, sa panloloko ng mga advertisements, at ng mga pulitikong walang kaluluwa.
Tulad na lamang ng nga solusyong naisip ng pangunahing tauhan sa problema nito sa matilaok na manok, nag-isip rin ang tao ng samu't saring solusyon sa mga problemang hinaharap. Nariyan ang mga paggawa ng nga haka-haka, sariling mga signos ba na pinaniniwalaan, pagpapahula at kung anu-anong easy solution na makikita sa Quiapo, mga kulungang susugpo sana sa mga krimen. Kaya lang ang problema sa mga solusyong ito tulad ng mga solusyong naisip ni Intoy para tumahimik ang manok, ay maaaring panandalian lamang o kaya'y magdadala lamang ng panibagong problema tulad ng hindi maayos na estado ng kulungan sa Pilipinas.
Pera - tunay nga namang isa iyan sa pinakamagandang solusyong naimbento ng tao. Kapag may pera, madali ang buhay, madaling makalimot, madaling magmove-on. Pera ang kailangan ng tao para sya maka-angat mula sa pagpuno ng pangunahing pangangailangan papunta sa mga pangangailangan ng kanyang emosyon, kaluluwa at pagkatao. Pero dahil nga hindi pantay ang pagkakalaan ng kayamanan, may mga mahihirap pa ring di man mapunan ang tiyan samantalang may mayayamang naglulustay nito sa kanilang libangan upang makalimot sa problema.
Relihiyon ang isa pang bagay na dapat sana ay tugon sa mga problema ng katauhan. Ito dapat sana ang sasalba sa ating mga kaluluwa, pero hanggang ngayon ay labu-labo pa rin ito sa mga paniniwala. Binubuhay ng mga taong naniniwala sa kanila, pinupuno ng mga nananalig dahil sa pangangailangan nila, iba-iba ang ritwal pero ang bawat isa raw ay ang tunay na relihiyon, kaya nga kahit ang relihiyon ng mga di naniniwala sa diyos ay parehong problema rin ang dinaranas ng mga tunay raw na relihiyon. Dagdagan mo pa ito ng isyu sa pamemera at pamumulitika, aba may nanalo na!
Nakalulungkot isipin pero sang-ayon ako sa may akda na tao nga ang hayop na kulang pa sa ebolusyon. Marami na nga tayong nadiskubre, naimbento at naranasan, pero hindi nga ba't daig pa rin natin ang mga hayop sa kahayupan ng pag-uugali?
Quotes:
"Siguro, hindi pa sasakupin ng mga alien sa 2012 ang daigdig, o kung kelan pa man, ay dahil alam ng mga alien na ang mga tao sa mundo, hindi pa lubusang nakikilala ang daigdig."
"Nakaraan na ang lahat ng ito. Mahirap mamuhay sa lumipas. Ayoko naman na pangarapin nang husto ang darating na bukas. Tama siuguro ang sabi ng ilang matatanda na ang nabubuhay sa kahapon ay nabubuhay sa buntong hininga at ang nabubuhay sa kinabukasan ay nag-aaksaya ng hininga. Ngayon ako humihinga. Ngayon ako dapat mabuhay."
"Siguro, sa lansangan ng pag-ibig, sapat na yung minsan ay nakasabay o nakasalubong mo ang isang tao sa daan, pasalamat na lang at kahit minsan, nagtapat o nagpantay din ang inyong mga hakbang."
"Hindi ba't gusto ng tao bumalik ang mundo sa dati nityong malinis na anyo? Yubg mala-parasiso? Ngunit bago dumating dito, kailangang munang linisin ng mundo ang kanyang sarili. At para makinis nya ito, dapat nya munang alisin ang mga pasaway. Tao ang pasaway. Tao ang dapat mawalis para ang mundo'y muling luminis."
"Sila ang patunay na hindi pa handa ang mga alien na sakupin ang mundo. Baka mabigo lang sila sa madadatnan dito sa ating planeta. Inaasahan kasi nilang ganap nang tao ang mga tao."
"Sa tingin ko, mas madaling mahalin ang isang tao na maabutan mo siya sa kalagayang wala siya ng gusto mo, kesa meron sya ng ayaw mo."
"Siguro dahil hindi mo nanakawin ang isang bagay na sa akala mo ay nandyan lang palagi."
"Bugbog ang katawan sa byahe at polusyon ng Maynila, gulpe-sarado ang isip sa pagbubuo ng ideya kung paano lolokohin ang sambayanan, hahamunin ang pasensya sa kupal na bossing at kanyang mga tsuwariwariwap sampu ng mga katrabahong kinokombulsyon kapag hindi nagiging bida."
"Bakit hindi raw ako palasalita? Bakit daw ako walang kibo? Sa loob-loob ko lang, salita nga ako nang salita, 'yun nga lang, ako lang ang nakakarinig sa sarili ko."
"Sila ang patunay na hindi pa handa ang mga alien na sakupin ang mundo. Baka mabigo lang sila sa madadatnan dito sa ating planeta. Inaasahan kasi nilang ganap nang tao ang mga tao."
"History is educated gossip."
"Hindi naman kailangang laging lumaban para gapiin ang kalaban, ang pinakamagandang paraan ng pagkakagapi sa kalaban ay hindi magsimula ng labanan."
"Parang istorya sa panaginip na magulo, walang lohika, hindi mo alam kung saan nagsimula, paano tumakbo at paano nawakasan."
"Walang fate. Life is the choices we made."
"Pwede ka sa pelikula, ang galing mong magpaikot ng buhay ng ibang tao. Ikaw na sumulat, kaw pa nagdirect, ikaw na rin producer. Sana, ikaw lang ang manood."
"Maaari kasing mahalin ang isang bagay kahit hindi mo gusto, pero parang mahirap gustuhin ang isang bagay na hindi mo mahal."
"Kaya siguro naimbento ang nakaraan para lingunin at kalimutan, ang hinaharap ay para tanawin at pangarapin. Parehas hindi totoo."
"Kung tutuusin parang wala ring ngayon. Dahil hindi naman tumitigil ang ngayon. Pagtuntong sa ngayon, kisapmata, nakaraan na yun. Parang patikim lang ang ngayon."
"Dahil ilusyon lang ang nakaraan at ang hinaharap; ang ngayon, kung totoo man, ay future ng past at past ng future."
"Nakakalibang kasi na alam mong binobola ka. Pero mas nakakalibang na kapwa nyo alam na nagbobolahan lang kayo pero kunwari'y hindi nyo alam na alam nyong nagbobolahan lang kayo."
"Pero ba't kinakailangang maging malungkot ako, para lang sumaya kayo?"
"Hindi nauubos ang gusto. Ang bawat isang gusto na nakakamit, isang trap sa paghahanap pa ng mas gugustuhin."
"Hindi ko alam kung politika ang nakasira sa relihiyon o relihiyon ang nakasira sa politika."
"Sino ba ako para hintayin ng kinabukasan? With or without me, tutuloy ang ikot ng mundo."
"Wala pa akong nakitang aso na nagpapakitang aso. Pero maraming taong nagkukunwaring tao."
"Kung nakamonitor ang aliens ngayon, pihadong umiiling lang sila. Kala nila, hindi pa rin nag-e-evolve ang tao."
"Siguro, kaya hindi pa sasakupin ng mga alien sa 2012 ang daigdig, o kung kelan pa man, ay dahil alam ng mga alien na ang mga tao sa mundo, hindi pa lubusang nakikilala ang daigdig."