Sunday, May 17, 2009

N K K B S K N B T L G?


Nice Read




A B N K K B S N P L A k o?!
By Bob Ong

Ang aklat ay tungkol sa paglalakbay ni Bob Ong sa mundo ng paaralan. Inilalahad niya ang kanyang mga naging karanasan mula unang baiting hanggang makatuntong siya sa kolehiyo.
Sariwain ang ating karanasan sa paaralan noon ayon sa bawat yugto. Tiyak na makaka-ugnay ka sa ilan sa mga ito kung hindi man lahat. Mga bagong kagamitan tuwing Hunyo, mga gurong namamalo at nambabato, mga bansag natin sa kanila, ang “favorite subject” ng karamihan na Math, mga teacher’s pet, teacher’s enemy, clowns at geeks sa klase, ang School Rules and Regulations, pagbibinata at pagdadalaga, ang SOS at FLAMES.

Ang libro ay isang komedya na nagtatalakay rin ng relihiyon at prinsipyo, edukasyon at maledukasyon, pagtaya, politika at mga politiko, mga tuwid at balikong sistema, ang “national disaster in slow motion”, caste system, trabaho at bokasyon, batayan ng totoong katalinuhan, at ang paborito kong “Mundo na nababalot ng pagmamahalan kung kapaskuhan”
Sa pagbabalik tanaw na ito, marahil ay hindi mo na kukwestiyunin kung bakit tayo nagkakaganito…bakit ganito ang takbo ng buhay nating mga Pilipino.

PAGNINILAY
“I have never let my schooling interfere with my education.” - Mark Twain

Isang diploma nga ba ang magpapatunay ng lahat ng ating natutunan?

Ako’y isa sa mga hindi naniniwalang ang edukasyon ay nalilimita sa loob ng apat na sulok ng paaralan. Kung iisipin ko nga, higit yatang marami pa akong natutunan sa labas kaysa sa loob ng paaralan. Napakaraming mahahalagang bagay sa buhay ang tila yata nalimutan maisama sa kurikulum ng mga paaralan.
Sa totoo lang, hindi ko na maalala kung paano gumamit ng sangkatutak na functions ng scientific calculator. Hindi na ako marunong magfactor ng quadratic trinomial. Parang hindi naipakilala sa akin sina Whitman at Naismith. At hindi ko na kaya isa-isahin ang life stages of a butterfly at parts of a cell.
Kung bibigyan mo ako ngayon ng isang academic exam, baka mapahiya ang aking mga guro dahil tila yata’y kaunti lang (kung hindi man wala) ang maisasagot ko. Pero, sa isang banda, dapat din nilang ikarangal ang pagkakaturo sa akin dahil kung sino man ako at kung ano man ang naabot ko ay dahil din naman iyon sa kanila, sa bawat isa sa kanila - mga gurong naging paborito ako, kalaban ko, kaibigan, o kaaway.
Sa paaralan ng buhay ko nalaman na sa bawat sitwasyon, maging sa loob man o labas ng silid aralan, nasa sa atin nakadepende kung ano ang ating matututunan.
Tulad na lang kung ikaw ay madadapa, maari mong matutunang tanggapin na may mga bagay talagang hindi nakalaan para sa iyo, o maaari mong matutunang tumayo at muling sumubok na lumaban.
Sa loob ng eskwelahan, maaari mong piliing matutunan ang mga nakasulat na sa libro at mga naisulat mo pa sa iyong kwaderno, o maaari mong piliing matutunan ang mga bagay na tanging sa puso’t isipan mo lang mailalathala.
Sabi nga ni Bob Ong, “para sa lahat ng magaganda at pangit na lesson na wala sa lesson plan at hindi kasama sa binayaran kong tuition fee”. Kung ating babalikan ang bawat hakbang natin sa paaralan, marahil ay hindi naman ang Battle of Tirad Pass, computation of a parabola, o ang kwento ng Ibong Adarna ang ating masusulyapan, kundi ang daan-daang karanasan natin dito– Mabubuti, masasama, magaganda at pangit. Mga memorya ng pagpaparangal at kahihiyan, pagsunod at pagsuway, pagkadapa at pagbangon, pagtalikod at paglaban. Pag-iibigan at pakikipagkaibigan, pakikipag-away at paninidigan, iyakan at tampuhan. Syempre kasama rin ang libo-libong kalokohan…at ang mga di nasusulat na leksyong natutunan at humubog sa atin.
Dahil hindi lang ating isipan ang hinuhubog sa paaralan kundi maging ang pagkatao natin.

1 comment: