Thursday, May 10, 2012

Wag Kang Lalayo sa Amin, Bob Ong


Ang Lumayo Ka Nga Sa Akin ay ang ika-siyam na libro ni Bob Ong. Gumagamit ito ng script style ng pagsusulat at nahahati sa tatlong bahagi (para sa tatlong kategorya ng pelikula):
Bala sa bala, Kamao sa kamao, Satsat sa Satsat (Action)
Shake Shaker Shakest (Horror)
Asawa ni Marie (Romantic Drama)

Ang bawat isa ay  bumabatikos sa ating mga pelikula, social networking, komersyalismo, mga pambatang palabas, mga librong naililimbag at iba-iba pang klase at gamit ng media. Pinuna dito ang mga "reality show" (o bente kwatro oras na pagsubaybay sa araw-araw na pamumuhay ng mga taong ikinulong sa isang bahay), mga product placement sa tv at pelikula, mga paulit-ulit na eksena at katapusan mapa-horror, comedy, action, o drama (kaya minsan nauunahan pa nga natin ang writer mag-isip ng ending ng pelikula), pagkawala ng tunay na saysay ng sining sa media, star mentality, pag-ubos ng ating oras ng mga social networking sites, at marami pang iba.

Ngunit binigyang liwanag rin naman ng ating mahal na may-akda ang kabutihang maidudulot ng media kung gagamitin nga lang ito nang wasto....ng mga gumagawa nitonagpupundar para maipalabas ito, at ng mga manonood at mga tumatangkilik dito.


Habang binabasa ko ang aklat na ito, hindi ko mapigilang maalala ang indie film na "Ang Babae sa Septic Tank". Maganda rin nga itong gawing isang pelikula balang-araw. Isang pelikulang kukutya sa kapwa Pilipinong pelikula.
Sana balang araw, tulad ng mga indie films ang sumikat sa ating bansa - yung may saysay, may sining, may kwenta. Sana balang araw, magbalik ang mga mas may dekalidad na pelikula, tv show, radyo, dyaryo, networking sites at iba pang mga uri ng media. Sana balang araw Lumayo Nga Sa Atin ang mga basura at mga negosyanteng nagpupundar sa mga basura. Sana balang araw lumapit naman ang mga tunay nating maipagmamalaki.

Bago matapos ang lahat, s'yempre kung may Bob Ong book, mawawala ba naman ang mga Bob Ong quotes?

"Walang pakialam ang tao sa katotohanan, sa tsismis lang sila interesado."

“Ako, ang hinahangaan kong tao na mahilig sa libro e yung may matututunan ka pag kausap mo, yung makikita mong naging marunong at mabuti siyang tao dahil sa pagbabasa niya ng mga libro.”

"Higit sa mga prestihiyosong pagkilala, mas kailangan ng libro ng mga mambabasa."

"May kapangyarihan na kayong kausapin ang mundo? Magaling! Ano ang sinabi ninyo? Bilis, ano ang sinabi ninyo?"

“Isa pa, pwede nga ring yung TV talaga ang may sumpa. Dahil ang TV, para ring drugs, pero ligal. Isipin mo, bakit isa ito sa mga unang-unang ipinupundar ng mga Pilipino kahit gaano sila kahirap? Kasi malaking tulong ang telebisyon para lumimot. Para tumakas sa realidad.”

“Kung ano ang nakikita at naririnig natin sa araw-araw, nagiging ‘yon tayo. Kinokondisyon tayo ng mga patalastas na hindi tayo masaya, na laging may kulang sa buhay natin. Tatlo ang magulang ng henerasyon natin. Ang tatay, ang nanay, at ang mga patalastas o media. Kaya kung mahina yung dalawang nauna, naaagawan sila nung pangatlo sa pagpapalaki sa bata.”

"Kuhang kuha natin ang mga katarantaduhan ng Hollywood, pero hindi ang kaunting pagiging responsable ng mga kanluraning bansa sa isyu ng pagtayo sa sariling paa."

"Lahat tayo may love triangle. Sa ganito lagi umiikot ang kwento. Pag ginawan mo ng diagram ang characters, makakabuo ka ng higanteng pyramid ng mga taong naghahabol, hinahabol, at mga magkakaribal."

"Kung gusto mong pang-award na palabas, lumipat ka doon sa kaisa-isang pelikula na may kwenta pero walang kita."


"Kung gusto mong matawa, dapat paminsan-minsan magpakababaw ka rin. Huwag nga lang sosobra"


"'Yon yung mali sa tinawatag na 'cool factor'. Paramaging 'in' ka, dapat magustuhan mo yung gusto ng iba. Pero pag sobrang dami na ng may gusto, dapat umayaw ka naman dahil magiging jologs ka na. Dapatkakaiba lagi ang gusto mo, para kunyari iba ka."


"Pero hindi lahat ng inaakala mong korni e korni. Minsan ikaw lang din talaga ang walang sense of humor at may diperensya, siguro dahil sa pagpipilit mong maging iba."


"Lahat tayo nami-miss ang mga paborito nating activity na panglustay lang sa oras natin sa mundo. Pero hindi tayo basta-basta makakaalis dito."

“Bata, kanya-kanya tayo ng paglalakbay. Huwag kang magpakarga, katamaran yan.”


At isang hamon??


"Mapapailing naman ang mga mambabasa sa buong kwento na kanilang nasaksihan, pero wala silang gagawin o babaguhin. Tatawa lang sila. Tatawa lang sila at sisisihin ang sistema...ang laging bida at walang kamatayang sistema."

No comments:

Post a Comment